Monday, September 22, 2008

1. Tatlong pulgadang suklay, kayumanggi ang kulay






Para sa buhok na unti-unting nalalagas at sa anit na madalas mangati. Para sa namumutiktik na uban at makakapal na balakubak. Pangmasahe sa ulong laging sumasakit sanhi ng dahan-dahang pagpanaw ng mga matang naninilaw.





Sunday, September 21, 2008

2. Dalawang magkaibang tiket sa bus; mula sa magkaibang lugar



Para sa paglalakbay na wala namang tiyak na patutunguhan. Para sa binting gumegewang, nangungulila sa kapareha.



Saturday, September 20, 2008

3. Isang chewing gum




Para sa pangang hirap ibuka. Para sa laway na napapanis dahil laging nauubusan ng sasabihin.



Friday, September 19, 2008

4. Isang sign pen, itim ang tinta







Para sa papeles ng paghihiwalay na kailangang papirmahan kay Nanay. Para sa kamay na namamaalam. Para sa matang hirap lumuha.



Thursday, September 18, 2008

5. Isang malinis na t-shirt at puting brief




Pamalit kinabukasan kung sakali lang na magpilit ang mga anak na doon na sa bahay magpalipas ng gabi, na madalas na hindi nangyayari.



Tuesday, September 16, 2008

7. Isang naninikip na puso




Para sa pagpapaliwanag na naipon lahat sa lalamunan. Para sa paglalambing na hindi nasuklian. Para sa atake ng matinding kalungkutan na kailanma'y hindi na malulunasan.



Monday, September 15, 2008

8. Isang garapon ng pighati




Para sa lahat.





Archive